2016 Series/Volume


HOME | DOING AWAY WITH THE "ISSUE" | THE PREVIOUS SERIES/VOLUMES | ABOUT US | CONTACT US



 

Uploaded March 07, 2016

5 TEES AND 5 ESSES: ARTIST'S STATEMENT SERIES


 

Kahalihalinang Kasinungalingan;

Kaiga-igayang Kabalintunaan

 


 

ang maikling pahayag ni Jeho Bitancor sa kanyang solong ekshibisyong “Delectable Fallacy” sa Kanto Artist-Run Space noong ika-19 ng Oktubre hanggang ika-3 ng Nobyembre, 2013, sa Lungsod ng Makati, Pilipinas
 


Almost Wearable | Jeho Bitancor | 2013
 

 

 


 

 

 

ni Jeho Bitancor

 



UNA SA LAHAT, bilang isang migrante, natural lamang sa akin ang maging mapagmasid at mapanuri. Kailangan  ko kasing bantayan ang galaw ng buhay, lalu’t may kinalaman ito sa aking pag-iral o pakikisabay man lamang sa iba pang nilalang na kailangan ding huminga.
     Hindi ako nakikiangkas sa langit; ang nais ko lamang ay sumilong sa ilalim ng ulap na papandong kahit kanino, dahil diumano’y wala siyang kinikilalang kulay ng balat. Ang pagiging Kayumanggi ay ambag lamang sa yaman ng karanasan ng sangkatauhan at bihirang katangian ng mga mamamayan mula sa iba't-ibang panig ng mundo.
     Ngayon, sa taong ito ay magmamarka ang aking ika-anim na taon ng paninirahan at pakikipamuhay sa Estados Unidos. At dahil sa ang aking kaganapan ay binubuo lamang ng pagsisiwalat at matamang paghuhusga sa anyo ng buhay at sa tunggaliang kakambal ng samu't-saring relasyon at dinamismo sa lipunan, muli ay manonood  ako sa aking mga kababayan sa ibang propesyon. Ako’y makikigalak, makikipiging, sa kanilang di mapigil na hugos ng tagumpay. Anupa’t wala ni-isa man sa kanila ang dadalumat sa matining at litaw na kontradiksyon, silang mga ligtas halos sa kalakhang pangitain ng pagdarahop, kung saan may ambag ang buong mundo sa mukha ng pag-asam at pagkabigo. Sa daigdig na ito, isa ako sa mga Pilipinong alagad ng sining na gumagagap sa pintig ng buhay upang magsalarawan. Hindi kami isiningkaw na kable sa poste, o langis sa motor at turnilyo sa makina. Nilulubid kaming hibla ng pagsasalaysay na humuhubog sa mukha ng kasaysayan.

 




Delectable Fallacy
| Jeho Bitancor | 2013



 



"Sa ekshibisyong ito, hindi lamang naluluoy ang huwad na bulaklak, nagiging palaman din ito sa bitukang plastik upang magsilbing andamyo sa saplot na hindi maisusuot."

 



​​     Samantala’y pumanig tayo sa galaw ng buhay pang-araw-araw kung saan nag-aambag ako ng hakbang, gaano man kapayak. Dito, bawat sentimo’y bilang na butil na isinusubo. Dito, hindi lahat ay “mapalad” kundi sanlaksang nakikiamot lamang sa tawid ng buhay. Mabuti na lamang at may “sangtuwaryo ng kapos” na kung ituran ay Dollar Tree, isang pamilihang lugar kung saan mabibili ang lahat ng bagay sa halagang isang dolyar. At dahil sa pangkapos, magtitiis ang isa sa tabang at huna, o sa mas madalas na labas sa kalidad na pamantayan ng produktong inihahain. Sa loob ng pamilihang ito ay malaya kang magpapalumpat-lumpat, mula bunton ng basura hanggang sa kulumpon ng ginto. Bilang isang artistang hirati sa kahungkagan, mina ito ng walang katapusang pagpapahiwatig, kung hindi rin lamang kakapusin sa paglilirip ang isip. Kakatwang isipin na sa lupaing pugad ng kapangyarihan at yaman ay may litaw na kontradiksyon: ang pagdarahop sa salaping igugugol sa bansang pinayabong mismo ng paggugol at pagkagahaman sa tubo.
     Sa puntong ito ko naisipang gamitin ang tambad na payak na bagay na maaaring kumatawan sa dalisay na saloobin, kundi ma’y sumalamin sa dinantaong tanong. At yaman din lamang na ang malaganap na pagsasapraktika ng abanteng pananaw sa sining ay paghalaw ng materyales mula sa kung saan-saan, bakit hindi ang murang kagamitan mula sa Dollar Tree na bagamat may ibang saysay ay maaaring mag-anyong salaysay o tulay sa masalimuot na reyalidad ng buhay?
     Wala naman itong pinag-iba sa mga naunang pamamaraan ng pamumulot bilang pangunahing sangkap sa paglikha. Ngunit para lamang sa akin, bago sa aking karanasan na sa halip na ituring sa angkop nilang silbi ang mga bagay (na binili sa pagkakataong ito) ay higit na may pakinabang bilang sangkap sa sining. Ito kaya’y ukilkil ng diwa na mas kailangan ng tugon kaysa sa hiling ng sikmura, o sadyang panawagan lamang ng sining na umigpaw sa pang-araw-araw, maipamalas lamang ang kanyang katuturan? Para sa aki’y hitik sa pangako ang ganitong pamamaraan, lalu’t kaiba sa kinagawiang pagpapahayag.

 




Crawling Bodies
| Jeho Bitancor | 2013

 

​SA UNANG pyesang may pamagat na Almost Wearable Trash, ang anyong saplot---pambabaeng mapalamuti at kaakit-akit ay sadyang makabigo, lalu’t iisiping ang inaasahang silbi ng isang bagay ay paimbabaw pala (yari lamang sa marupok na sinulid at lubid, tuyot at luoy na bulaklak at plastik) at walang tiyak na gamit. Sadyang naglipana sa totoong buhay ang pagkukunwari at patuloy ang pagkupas ng tiwala sa mga dati’y inaasahan nating wagas.
     Hindi ito kaiba sa inilalahad ng Delectable Fallacy kung saan tahasang nakahain sa burdado ngunit marupok na pinggang papel ang anyo ng masarap tingnan ngunit mga pagkaing yari pala sa goma at plastik. Hindi nga ba’t pangunahing nagdudulot ng kapansanan ang mga pagkaing “handog” sa daigdig ng pinaka-makapangyarihan? Ang kanilang almusal, tanghalian, minindal, hapunan, utot at dighay ay pang-sangkatauhan.
     Sa pyesang Crawling Bodies, inipon ko ang mga lumang damit na nagtataglay ng kasaysayan. Ako, ang aking asawa at anak ay pinigapit, pinilipit na damit na ibinalot sa plastik. Kung hindi kami uod ay ahas na pinagagalaw lamang ng anyong gulong o galamay ng pinaghugpong na baso ng Coke. Sa usapin ng metapora at paralelismo, ang aming pag-usad ay nakasalalay sa “dakilang kaligtasang” dulot ng kanluran.
     Bilang panghuling likha, sinusuma ng “Stretching the Dollar” ang pakikibagay sa pamamagitan ng literal/simbolikong pagpapakalunod sa kinasadlakang sitwasyon/sistema. Dito, tinatabunang paulit-ulit sa ibat-ibang pamamaraan ang aking mukha. Sa pag-angkin at pagkilalang muli sa kakanyahan, kailangang ituring na panandalian lamang ang pagkagupiling.
     Sa ekshibisyong ito, hindi lamang naluluoy ang huwad na bulaklak, nagiging palaman din ito sa bitukang plastik upang magsilbing andamyo sa saplot na hindi maisusuot. At bagamat sadyang pinaiiral ang engganyo at pagkadapil sa lipunang pinasisigla ng paghamis at paggugol, susi sila (mga likha) sa pag-ungkat at panunuri upang tuntunin pa ang mas mahahalagang pagkilala at pagbatikos. [d]

 

Jeho Bitancor, Oktubre 2013

 





Stretching the Dollar
| Jeho Bitancor | 2013

 

 


 

------------------------------------------------------------
Text (c) copyright 2013 Jeho Bitancor
Photos by the artist

 

 

 


HOME | DOING AWAY WITH THE "ISSUE" | THE PREVIOUS SERIES/VOLUMES | ABOUT US | CONTACT US


 

LIKE/SUBSCRIBE:

 

   

 

© 2014-2016 diskurso art magazine online. all rights reserved.

diskurso is an independent, Philippines-based online magazine on art aiming to veer away from a present mental landscape replete with the customary peacock and weasel words that continue to service the art industry.